Minsan kapag umuulan, parang may mga ala-alang bumabalik, mga kuwentong kahit lumipas ay sa puso pa rin nakaukit. Senti weather ang lagay ng panahon this Tuesday afternoon.
Kuwentuhan na lang tayo, biro ni Vice Ganda sa mga kaibigang sina Vhong Navarro at Jhong Hilario bago magsimula ang 'Miss Q and A' segment sa August 18 episode ng "It’s Showtime" Napa-reminisce ang trio sa mga kuwentong ulan at kuwentong baha nila noong kabataan. Itaas ang kamay kung nakaka-relate ka sa experience ni Meme Vice na pagsalo ng mga tumatagas na tubig mula sa bubong tuwing tag-ulan! Eh, 'yung mga photo albums na iniingatang huwag mabasa ng tubig baha?
Nagpahayag din ng lungkot at pagkadismaya sina Vice, Vhong at Jhong sa hindi nagbabagong problema sa baha, na para bang nakasanayan na lang ito ng mga Pilipino. Gayunpaman, hopeful si Meme na masosolusyunan din ang problema sa baha at balang araw hindi na mangangamba ang mga Pinoy kung bumuhos man ang ulan. At ang solusyon, sabi ni Vice Ganda, magsisimula sa pagboto nang tama.
Nagtuloy-tuloy ang senti mode sa studio hanggang sa Laro Laro Pick segment kung saan bumida ang mga kasambahay mula San Pedro, Laguna. Naantig si Vice sa kuwento ni player Wency, na sa pamamagitan ng paglalaba at pagsisilbi sa mga amo ay nakapagpatapos ng mga anak sa kolehiyo. Naramdaman ni Vice ang saya ng isang inang nakapagpa-graduate ng anak sa pamamagitan ng sariling pawis at sakripisyo.
Dahil dito, nag-open up si Vice tungkol sa pinakamalaking 'multo' ng buhay niya. 'Yun ay ang pagkabigo na makamit ang college diploma na pangarap sa kanya ng inang si Rosario. Nang tanungin ni Ogie Alcasid kung naiisip pa rin niyang balikan ang pag-aaral, paliwanag ni Vice, tinanggap na niya sa sarili na marahil mas marami siyang matutulungan sa kung anuman ang mayroon siya ngayon.
Napatunayan ito nang bigyan niya ng tig-sampung libo ang bawat kasambahay na naglaro sa game arena. Naiyak ang isang player sa ayuda ni Vice dahil, aniya, saktong nangangailangan siya ng pera upang makalipat ng tirahan.
Good vibes at pag-asa ang hatid ng “It’s Showtime,” Lunes hanggang Sabado, 12 NN, sa ABS-CBN sa ALLTV2, GMA 7, A2Z, Kapamilya Online Live (KOL) at iWant.
