Arestado ang isang 45-anyos na lalaki matapos makuhanan ng mahigit P400,000 halaga ng ilegal na droga sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Punturin, Valenzuela City noong Miyerkoles, September 9, 2026. NPD-DDEU via Christopher Sitson
MAYNILA — Arestado ang isang 45-anyos na lalaki matapos makuhanan ng mahigit P400,000 halaga ng ilegal na droga sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Punturin, Valenzuela City noong Miyerkoles, September 9, 2026.
Ayon kay Police Major Segundino Bulan Jr., Officer-In-Charge ng Northern Police District Drug Enforcement Unit (DDEU), isang linggong kinausap sa cellphone ng isang poseur buyer ang suspek para pagbilhan siya ng 11 gramo ng shabu.
Hanggang sa noong Miyerkoles, tuluyang nakipagkita ang suspek dala na ang ilegal na droga na nagkakahalaga ng P17,000.
Matapos ang transkasyon ay agad inaresto ang suspek na napag-alamang isang construction worker.
Bukod sa naibentang 11 gramo ng hinihinalang shabu, narekober pa sakanya ang mahigit 50 gramo pa nito na may kabuuang halaga na aabot sa mahigit P400,000.
“Ayon sa tactical interrogation namin sakanya, meron siyang amo na siya lang ang bodegero. Sa Barangay Punturin ang area niya, siya ang taga-deliver. Kapag nag-success yung deliver, mayroon siyang porsyentong natatanggap sa pinaka-boss niya,” ani Bulan.
“Nagawa lang daw po niya iyon dahil pandagdag panggastos nila,” dagdag pa ng pulisya.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa itinuturong amo ng suspek na nasa likod ng ilegal na gawain.
“Sa ngayon may lead na po kami at dinedevelop namin, tinatrabaho na po ng ating mga operatiba yung sinasabi niyang boss niya,” saad ni Bulan.
Dati na ring nasangkot sa ilegal na droga ang suspek na nahaharap muli sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Act of 2002.
Nakakulong na siya sa custodial facility ng Northern Police District.
