Apat na magkakapamilya ang patay habang sugatan ang isa pa matapos masunog ang tinutuluyang townhouse sa Barangay Bahay Toro, Quezon City, noong Martes ng hapon, September 15. Contributed via Christopher Sitson
MAYNILA — Apat na magkakapamilya ang patay habang sugatan ang isa pa matapos masunog ang tinutuluyang townhouse sa Barangay Bahay Toro, Quezon City, noong Martes ng hapon, September 15.
Sumiklab ang sunog bandang alas-kwatro ng hapon na umabot sa unang alarma.
Agad ding naapula ng mga rumespondeng bumbero ang sunog pero hindi na nakaligtas ang apat na magkakapamilya kabilang ang dalawang senior citizen, habang sugatan ang isa pa nilang kaanak.
Sa paunang imbestigasyon ng awtoridad, posibleng sa nakaparadang e-bike sa garahe ng bahay nagmula ang apoy.
“Na-trap sila sa ground floor. Na-suffocate sila ng usok. Sobrang usok na kasi nung nangyari. Saglit lang naman siya kaya lang napakabilis talaga ng apoy. Posibleng nangyari, yung sa e-bike charger, maaari siguro yun ang naging cause kaya lumaki agad yung sunog,” ayon kay Bernardo Asistorga, Barangay Bahay Toro Public Safety Officer.
Dinala na sa punenarya ang labi ng mga biktima habang nasa ospital ang isang nakaligtas.
Naka-kurdon pa rin ang nasunog na bahay habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection.
KAUGNAY NA VIDEO
