Chinese natagpuang patay sa Pasay hotel; 2 suspek tinutugis. Larawan mula sa Pasay City Police Station
MAYNILA — Natagpuang patay sa isang hotel sa Pasay City ang isang Chinese national habang tinutugis ngayon ng pulisya ang isang lalaki at isang babae na huling nakitang kasama ng biktima bago ito natagpuang wala nang buhay.
Ayon Pasay City Police Station chief PCol. Joselito De Sesto, nangyari ang insidente noong madaling araw ng Setyembre 8 sa isang hotel sa Roxas Boulevard.
Sa CCTV, makikitang magkasabay na pumasok ang biktima at isang babae sa kuwarto sa ikalawang palapag ng hotel bandang alas-2 ng madaling araw.
Makalipas ang tatlong oras, isa pang lalaki ang pumasok sa kuwarto.
Bandang alas-8 ng umaga, sabay namang lumabas ng kuwarto ang babae at ang huling lalaking pumasok. Sumakay ang mga ito ng taxi at umalis sa hotel.
Naiwan sa kuwarto ang Chinese national.
Ang biktima ay asawa ni alyas Rosa.
Ayon kay Rosa, umalis ang kaniyang mister mula sa kanilang bahay sa Parañaque kasama ang kanilang driver. Hindi umano nito sinabi kung saan siya pupunta sa Pasay.
1 patay, 4 sugatan matapos salpukin ng LGU service vehicle ang 3 motorsiklo sa Bulacan
Kinabukasan, hindi na niya makontak ang kaniyang asawa kaya nag-alala siya.
Binalikan nila ang hotel kung saan ito inihatid ng driver.
Doon nila natagpuan ang biktima na wala nang buhay sa loob ng kuwarto.
Asphyxia due to ligature strangulation of the neck ang nakitang sanhi ng pagkamatay ng biktima.
Batay sa imbestigasyon, ang lalaki at babaeng huling nakasama ng biktima ang pangunahing tinutugis ngayon ng pulisya.
Hindi umano kilala ni Rosa ang dalawa
DAHIL SA UTANG?
Sa backtracking ng Pasay police, nagtungo ang dalawang suspek sa Ninoy Aquino International Airport matapos umalis sa hotel.
Ayon kay De Sesto, naghiwalay ang mga ito at sumakay ng magkahiwalay na flight.
Tinitingnan naman ng pulisya ang hindi pagkakaunawaan sa negosyo bilang posibleng motibo sa krimen.
Ayon kay De Sesto, nagpapautang umano ang biktima at posibleng may kinalaman sa paniningil ang insidente.
"Isa po siyang mayaman din na Chinese national na... parang nagpapautang. So itong mga suspect po natin sinisingil ng biktima. So siguro nung hindi niya masingil, nagkaroon na po ng hindi pagkakaunawaan," ani De Sesto.
Nakatakdang iuwi sa China ang mga labi ng biktima.
Hihingi rin umano ng tulong si Rosa sa Chinese Embassy para sa mga susunod na hakbang kaugnay ng pagkamatay ng kaniyang asawa.
Patuloy ang pagtugis ng Pasay City Police sa dalawang suspek.
IBA PANG MGA ULAT:
