Courtesy: Rodriguez police
Natagpuang patay at isinilid sa refrigerator ang isang babae sa isang apartment sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal.
Person of interest naman ng pulisya ang lalaking huling nakitang kasama ng biktima, na hanggang ngayon ay tinutunton ng mga awtoridad.
Ayon sa may-ari ng apartment na si Daniel Mangulad, nagkita sila ng biktima at kasama nitong lalaki noong Setyembre 9 nang mag-inquire ang mga ito tungkol sa pinauupahan niyang unit.
Nagbayad umano ang dalawa at agad na nag-move in nang araw ding iyon.
Kinabukasan, Setyembre 10, bumalik si Mangulad para papirmahan sana sa dalawa kontrata pero walang sumagot nang kumatok siya sa unit.
Muli siyang bumalik noong Setyembre 11 pero wala pa ring sumasagot.
Tatlong araw siyang hindi nakabalik sa apartment hanggang sa mapansin niya nitong Martes sa pagbalik niya na may masangsang na amoy na nagmumula sa unit.
Dahil dito, humingi siya ng tulong sa barangay kinabukasan.
“Either, sabi ko, baka nagbakasyon yung mga yun, iniwan nila mga gamit or may leftover na pagkain, karne naiwan diyan bumaho, yun ang nasa isip ko eh. Pumunta, nagpa-assist na ako sa barangay… silipin lang natin yung unit doon, baka kako may something na nangyari, yun nga,” ani Mangulad.
Nang buksan ang apartment, bumungad sa kanila ang masangsang na amoy.
Nakita rin ang isang refrigerator na nakatumba at natatakpan ng ilang damit.
Nang buksan ito, nakita ang katawan ng babae na nakabaluktot at may tali sa leeg.
Ayon sa Rodriguez police, posibleng sinakal ng tali ang biktima bago inilagay sa refrigerator.
Ani Rodriguez police chief PLtCol. Arwyn Gaffud, nasa limang araw nang patay ang biktima bago natagpuan ang kanyang bangkay, batay sa paunang pagsusuri at timeline ng imbestigasyon.
Patuloy namang tinutunton ng pulisya ang lalaking huling nakasama ng biktima.
Ayon sa pulisya, nahihirapan silang matukoy ang tunay na pagkakakilanlan ng biktima at ng person of interest dahil umano sa mga identification card na ginamit sa pag-upa ng apartment.
Sinabi ni Gaffud na hindi tugma sa kanilang records ang mga pangalang nakalagay sa mga ID.
Inilarawan ng pulisya ang biktima bilang nasa edad 25 hanggang 30, may taas na nasa 5 feet 3 inches, maputi at balingkinitan.
Nanawagan ang Rodriguez police sa sinumang nakakakilala sa biktima o may impormasyon tungkol sa person of interest na makipag-ugnayan sa kanila.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at makumpirma ang pagkakasangkot ng person of interest sa krimen.
IBA PANG BALITA:
4 tangke ng LPG at cash tinangay ng 2 kawatan sa QC
Suspek sa pananaksak, natukoy dahil sa naiwang tsinelas sa crime scene
Imbestigasyon sa pagkamatay ng mag-iina sa Bulacan, natapos na
