COURTESY: Bontoc MDRRMO
Umabot sa anim ang patay habang 17 ang sugatan matapos mahulog ang isang truck sa bangin sa Bontoc, Mountain Province tanghali nitong Martes.
Ayon sa Bontoc Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), kabilang sa mga nasawi ang limang buwang gulang na lalaking sanggol.
Sa inisyal na imbestigasyon, galing Isabela ang truck na may 27 sakay at papuntang Bakun, Benguet.
Habang binabaybay ang kalsada sa Sitio Jakap, Barangay Talubin, nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver kaya lumihis ng direksyon ang truck at dumiretso sa bangin na may 50 hanggang 100 metrong lalim.
Sumaklolo ang mga pulis, bumbero at iba't ibang rescue unit mula sa kalapit na mga bayan.
Pito sa mga sugatan ang nakuha na mula sa bangin at nadala sa ospital.
Nagpapatuloy naman ang rescue operation sa iba pang pasahero.