← Back to Home

Suntukan sa resort accommodation ng PCG trainees sapul sa CCTV

Nakuhanan ng CCTV ang pagkakasangkot ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa suntukan sa kanilang tinutuluyang resort sa Barangay Borol, malapit sa training center.

🕒 9/15/2026, 9:41:00 AM376 wordsEN
Michael Delizo

Michael Delizo

Michael Delizo is an ABS-CBN News multiplatform reporter covering the Metro beat and national security. A decorated journalist, he’s part of the award-winning "Patrol ng Pilipino" team and holds a Master’s in Communication from UST Graduate School.

#PCG#Balagtas#Bulacan#suntukan#CCTV Patrol

Suntukan sa resort accommodation ng PCG trainees sapul sa CCTV. ABS-CBN News mapBALAGTAS, Bulacan — Nakuhanan ng CCTV ang pagkakasangkot ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa suntukan sa kanilang tinutuluyang resort sa Barangay Borol, malapit sa training center.

Kita ang paulit-ulit na panununtok ng isang kinilalang tauhan ng PCG sa isa sa mga bisita sa resort at kaibigan din ng may-ari, kahit pa ilang beses na itong bumagsak at lumalayo.

Itinulak naman ng isa pang PCG personnel ang kasama noon ng bisita.

Natigil ang suntukan matapos umawat ang isa pang taga-PCG.

Sa rekord ng Balagtas Municipal Police Station, nangyari ang insidente noong Sabado ng gabi, Setyembre 12.

Sinabi ng complainant na nagtanong siya sa tauhan ng PCG na nakatambay noon sa gate kung naroon ang kanyang kaibigan.

"Hinanap namin ‘yong tropa sa kanya. Akala namin na tao siya doon, hindi namin akala na guest siya. After that, noong sinabi niyang hindi niya kilala, okay, pumasok na ako ng resort," saad ng complainant sa panayam ng ABS-CBN News.

"Noong pumasok na ako, sumunod pa siya. After some communication, after ng ilang pag-uusap, tinulak ‘yong kasama ko. Doon na nag-umpisa na inupakan na kami," dagdag niya.


NABASTUSAN?

Sa blotter, nabastusan umano ang PCG personnel sa pagtatanong. Aminado siyang nakainom ng alak. 

"Ayoko na. Makikita doon sa video na talagang lumalayo ako," saad ng complainant.

Nagtamo ng galos at sugat sa iba-ibang bahagi ng katawan ang complainant.

"Nalaman ko na government personnel sila, uniformed personnel sila. Doon ako nag-init. 'Bakit? Hindi ba dapat mas mataas ang tolerance niyo kasi nga uniformed kayo?'" saad ng complainant.

Ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, nagkaharap na ang complainant at nanuntok sa kanyang PCG personnel sa barangay at pulisya, at nagkaayos na sila.

Sa kabila nito, iimbestigahan pa rin ng ahensya ang insidente.

Hinimok din ni Cayabyab ang complainant na magkain ng pormal na reklamo sa internal affairs service sa PCG headquarters sa Maynila.

"Kung talagang mapatutunayan, appropriate sanction will be given," ani Cayabyab sa panayam sa telepono.

"Titingnan po natin kung ano po ang magiging saad doon sa pormal na reklamo na ibibigay po complainant po," dagdag niya.

Hindi na humarap sa ABS-CBN News ang mga sangkot na tauhan ng PCG para magbigay ng panig.


IBA PANG ULAT:


Related Articles

Cheezmis

Legit na chismis, mas pinabilis.

© 2026 Cheezmis. All rights reserved.
Suntukan sa resort accommodation ng PCG trainees sapul sa CCTV | Cheezmis