QUEZON — Bilang paghahanda sa banta ng bagyong Uwan, isinailalim na sa heightened alert status ng Philippine Coast Guard Southern Tagalog ang lahat ng kanilang mga station at sinuspende muna ang biyahe ng mga barkong nakatalaga sa rehiyon.
Epektibo ngayong umaga, kinansela na ang lahat ng biyahe ng mga barko at maliliit na sasakyang pandagat sa mga lalawigan ng Quezon, Batangas, Marinduque, Romblon, Oriental at Occidental Mindoro, kabilang na ang Polillo Islands at Lubang Island.
Ayon sa Coast Guard, ito ay alinsunod sa itinataas na Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ng PAGASA, bilang pag-iingat sa posibleng masamang epekto ng bagyong Uwan.
Signal No. 2 in parts of Bicol, Samar as 'Uwan' picks up speed
Pinaalalahanan din ng PCG ang lahat ng mga may-ari ng sasakyang pandagat na maging mapagmatyag, sumubaybay sa mga abiso ng Coast Guard at PAGASA, at iwasan muna ang paglalayag hangga’t hindi bumubuti ang lagay ng panahon at karagatan.
Pinapayagan lamang ang mga barkong magpapasailalim sa sheltering o pansamantalang pagkakanlong, basta’t may nakasulat na pahintulot at walang kargang pasahero o produkto.
Kahapon naglunsad na rin ng bandilyo at public awareness campaign ang Philippine Coast Guard Northern Quezon sa mga baybaying barangay ng kanilang nasasakupan.
Katuwang ang mga sub-station nito, nag-ikot ang mga tauhan ng PCG sa iba’t ibang coastal communities sa mga bayan ng Infanta, Real at Genaral Nakar at maging sa mga bayan sa Polillo group of Islands, upang paalalahanan ang mga residente na maghanda bago pa man maramdaman ang epekto ng bagyo.
Partikular na pinaalalahanan ng Coast Guard ang mga mangingisda na tiyaking nakakanlong at nakatali nang maayos ang kanilang mga bangkang de-motor, huwag munang pumalaot.
Sa ngayon, nananatiling nakaantabay ang Coast Guard District Southern Tagalog para sa monitoring, rescue operations, at maritime safety enforcement habang inaasahang mararamdaman pa ang masamang panahon sa mga susunod na oras.
Metro Manila prepares for typhoon Uwan
RELATED VIDEO:
