MANILA - Hindi maubos ang pagpapasalamat ng ina ng conjoined twins mula sa Isabela sa tulong na patuloy nilang natatanggap para sa pagpapagamot sa kanyang mga anak.
"Parang gumagaan loob ko na maraming tumutulong sa amin kahit di namin kilala lugod silang tumutulong para sa mga anak ko," sabi ni Rochelle Laverinto, ina ng mga bata.
Nitong nakaraang Linggo dinala sa Chinese General Hospital ang mga sanggol na sina Princess Miracle at Precious Miracle upang doon suriin.
"Nung nalaman ko na magkadikit mga anak ko ang nasa unang naisip ko kung paano namin gagawan ng paraan na paghiwalayin ang mga anak namin," kwento ni Rochelle.
Bumuhos ang tulong para sa pamilya matapos na maipalabas sa TV Patrol noong Linggo ang kalagayan ng mga sanggol.
"Mahirap po talaga, parang naawa kang titingnan silang magkadikit. Mahirap lalo na kung magpapadede ka, magpalit ng damit nila. Mahirap po talaga," sabi ni Rochelle.
Agad na dinala sa neonatal intensive care unit ng ospital ang mga kambal at sumailalim sa pagsusuri upang malaman kung handa na sila sa operasyon para paghiwalayin ang kanilang mga katawan.
Ayon sa pediatric surgeon ng mga kambal, kailangan pa silang obserbahan para ihanda sa gagawing operasyon.
"Maraming salamat sa Panginoong Hesus. Napakabait niya sa amin sapagkat hindi basta basta ang problemang kinakaharap namin, pero nandyan siya gumawa ng paraan upang tugunan ang kagustuhan naming paghiwalay ang aking mga anak," sabi ni Rochelle.
Pinasalamatan din ni Rochelle ang mga duktor ng Southern Isabela General Hospital, may ari ng Chinese General Hospital na si James Dy at mga duktor nito at ang Tzu Chi Foundation, at maging ang Lingkod Kapamilya ng ABS-CBN.

