Nagsimula sa isang kilong bigas na mapagkakasya tatlong beses sa isang araw ang pangarap ni Ricardo Cadavero.
Ngayon, higit pa sa kanyang inaasahan ang natupad matapos tanghaling kampeon sa Pilipinas Got Talent Season 7 bilang si Cardong Trumpo.
Kwento ni Tatay Ricky, iba't ibang lugar ang napupuntahan niya sa pakikipag-kompetisyon.
At para sa kanya, ang mga inuuwing tropeo ay "parang agimat ko na masarap sa pakiramdam."
Mula pagkabata, bihasa na siya sa paglalaro ng trumpo.
"Kauna-unahan kong nakita yung trumpo sa isang lugar na kung saan aksidente kong nasipa yung trumpo na tipak na. Kung ang edad ko po ngayon ay 55, siguro ito may 45 na ito, itong trumpo na ito na iniingat-ingatan ko hanggang sa kasalukuyan kong buhay."
Nang matanong tungkol sa hanapbuhay, sabi niya, "matagal ako sa construction, una kong napasukan steel man."
Dagdag pa niya, "nagta-trabaho ako dito hindi para sa sarili ko, kundi kailangan rin ng pamilya ko kasi may mga pamilya rin ‘yung tiyahin ko, parang sabit lang kami. Talagang mahirap. Tinanggap ko lang kasi nauunawaan ko rin naman."
Sa kanyang pagkapanalo, aminado si Tatay Ricky na gumaan ang kanilang pamumuhay.
Sabi niya, "kaya itong nangyayari sakin ngayon parang 'di ko naman alam na ito’y mangyayari sakin, naging maginhawa ako sa lahat ng paghihirap ko."
Para kay Tatay Ricky, ang pagpapakita ng talento sa trumpo ay paraan para patuloy itong na makilala ng susunod na henerasyon.
"Itong trumpo na ito kasi parang hiram ko lang sa panahon, ginagamit ko lang sa kasalukuyan. Sana nga at hindi makalimutan yung kulturang ito na inaangat kong pilit kalaban ko ay yung moderno ngayon."
Dalawang milyon ang premyo ni Tatay Ricardo mula sa kanyang pagkapanalo sa PGT Season 7.
Ayon sa kanya, gagamitin niya ito para matupad ang kanyang mga pinapangarap para sa pamilya.
Ulat ni Ganiel Krishnan para sa programang Tao Po. (July 5, 2025)
Mapapanood ang mga episode ng Tao Po dito.
