← Back to Home

Panitikang Pinoy, muling ibinida sa London Book Fair

LONDON - Dream come true para sa London-based writer at immigration adviser na si Gene Alcantara na mailimbag and ilang tulang Russian na isinalin niya sa wikang Filipino.

🕒 4/4/2024, 12:58:33 AM670 wordsEN

TFC News

#TFC News

LONDON - Dream come true para sa London-based writer at immigration adviser na si Gene Alcantara na mailimbag and ilang tulang Russian na isinalin niya sa wikang Filipino.   

Bitbit ni Alcantara ang kanyang librong 'Mga awit sa huling pagkikita' sa pagdalo niya sa London Book Fair 2024 kamakailan. 

 

Hango ang kanyang akda sa mga tulang isinulat ng Russian poet at Nobel Prize for Literature nominee na si Anna Akhmatova. 

 

“Si Akhmatova kasi, para siyang konsensya ng kanyang bansa. Tinala niya, ini-record niya sa kanyang mga tula ang mga nangyari sa kanyang bayan. Para sa akin, para bang nasasalamin din ang mga nangyayari rin sa Pilipinas,” sabi ni Alcantara, writer at translator, 'Mga awit sa huling pagkikita.’

 

Isang malaking oportunidad para sa mga manunulat gaya ni Alcantara ang London Book Fair para ipakilala ang kanilang mga obra.

Kaya muli ring lumahok ang Pilipinas sa pangunguna ng National Book Development Board o NBDB sa pinakamalaking spring book trade and publishing event sa mundo.


 

 

The most important thing is we were able to introduce Philippine content to the UK market. These things actually take time. The first time we were here was 2022. One of the benefits from that initial trip, some of the people that we met, eventually we introduced to our publishers, our authors; and there’s an upcoming book deal, I can’t say the title lang for one of our award-winning novels which will be published now in the UK,” sabi ni Kevin Ansel Dy, Project Development Officer, NBDB.


“Ngayong year naman, nagkaroon tayo ng apat na genres, which is yung children’s and young adults, non-fiction, graphic novels and comics and itong fiction. Ang maganda ngayong taon ay mas malawak na at mas diverse yung mga boses na hina-highlight natin ngayon,” sabi ni Mitchelle Balladares, Industry Development Officer, NBDB. 

Kabilang sa tampok na aklat ang nobela ni national artist na si Ricky Lee, ilang award-winning comic books at mga librong pambata.

 

Laman ng mga librong ito hindi lang ang kultura at kasaysayan ng Pilipinas, kundi mabubuklat din sa bawat pahina ang puso, dunong at dedikasyong ibinuhos ng mga Pilipinong manunulat. 

 

Layon ng NBDB na sa maipakilala ang Pilipinas bilang emerging content capital mula Southeast Asia. Nakasuporta rin sa hangaring ito ang Philippine Embassy sa United Kingdom.

 

“We are also very supportive of our Filipino authors who are based here in the UK last year, we did some book launches. We help them by sponsoring or organizing book launches for them.” sabi ni Rhenita Rodriguez, Consul General, Philippine Embassy to the UK.  

Nagdaos naman ng joint book launch ang dalawang UK based writers sa Primrose Hill Library sa London.


Bukod kay Alcantara, inilunsad din ni Coventry University Assistant Professor Dr. Jaya Jacobo ang kanyang koleksyon ng 40 na tula sa librong Arasahas.

Binasa rin ng Bicolano poet, publisher at Philippine National Book awardee na si Kristian Cordero ang kanyang mga akda kasama si Alcantara, binigkas rin niya ang mga tula ni Russian poet na si Akhmatova, mula Russian na isinalin sa Filipino. 

 

Inilimbag ng Savage Mind, na pagmamay-ari ni Cordero, ang libro nina Alcantara at Jacobo. 

 

Hamon naman ngayon para sa NBDB ang naging resulta ng 2023 National Readership survey na inilabas nitong March 21 kung saan bumaba ang bilang ng mga nagbabasa ng non-school books.


 

Base sa survey, nasa 42% lang ng Filipino adults ang nagbabasa ng libro mula sa 54% noong 2012. Nasa 47% naman ng mga kabataan ang nagbabasa ng libro, maliban sa textbook.

 

Ayon din sa pag-aaral ng National Library of the Philippines noong 2018, nasa tatlong porsyento lang ng local government units sa Pilipinas ang may public library.

 

Kaya kasabay ng pagpapalakas ng kanilang mga programa, hinihimok din ng NBDB  ang gobyerno, sektor ng edukasyon at ang publiko na isulong pa ang kultura ng pagbabasa ng libro lalo na't mayaman at makulay ang Panitikang Pilipino.

 

(Kasama ang ulat ni Jermel Mabalatan sa London, England) 

 

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa United Kingdom, tumutok sa TFC News sa TV Patrol. 


KAUGNAY NA VIDEO:




Related Articles

Cheezmis

Legit na chismis, mas pinabilis.

© 2026 Cheezmis. All rights reserved.