Retrato mula sa YouTube channel ng DramaWave
Bukambibig ngayon sa social media, pati na rin ng mga artista gaya ni Vice Ganda, ang pangalang Linda Walker. Pero hindi siya international celebrity at hindi rin siya social media influencer na may milyon-milyong followers.
Sino nga ba si Linda Walker at bakit siya kinagigiliwan ng mga Pinoy?
Si Linda Walker ay isang karakter sa Chinese vertical micro-drama na "The Heiress Who Won With Brains," kung saan ang tunay niyang pangalan sa original version ay Lin Siwang.
Sa series, si Linda Walker ay isang mahirap na estudyante sa Brookshire na nagpupursigi gamit ang kaniyang katalinuhan. Kalaunan, matutuklasan na siya pala ay na-baby swap at tunay na anak ng isang maimpluwensiyang pamilya.
Kinagigiliwan siya ng mga Pinoy dahil sa kaniyang IQ na 180 at record-breaking score na 719 points sa isang mock exam sa series.
Kabilang sa mga artistang nakisali na si Linda Walker trend si comedy superstar Vice Ganda, na binaggit ang karakter sa isang episode ng "It's Showtime."
Habang kausap ang isang contestant sa "Tawag ng Tanghalan" tungkol sa mga nasalihan na nitong mga kompetisyon, hirit ni Vice Ganda: “Magaling, magaling ’tong batang ’to, pero mas magaling sa’yo si Linda Walker kasi naka-719 points siya sa mock test."
READ: Vice Ganda, Angeline Quinto, more join viral Linda Walker trend
Habang nasa biyahe sa San Francisco, pabirong nagtanong si Angeline Quinto sa ilang Asian na turista kung kasama ba nila si Linda Walker, base sa video na in-upload niya sa TikTok.
Nauuso rin sa TikTok ang isang makeup transformation challenge na hango kay Linda Walker, na sinalihan na rin ng ilang sikat na content creator.
Screenshot mula sa Facebook page ng Saint Francis of Assisi College
Pero hindi lang mga sikat na personalidad online ang nakiki-Linda Walker kundi pati ang mga university, na ginagamit ang karakter bilang "good luck charm" para sa kanilang mga estudyanteng haharap sa exam week.
Isa na rito ang Saint Francis of Assisi College, na nag-post ng meme sa mga estudyante nitong "feeling Linda Walker" para sa preliminary exams.