Dumalo si Miss Philippines Earth 2025 Joy Barcoma sa mga anti-corruption rally sa Luneta at People Power Monument. Barcoma/Facebook
Nakiisa si Miss Philippines Earth 2025 Joy Barcoma sa libu-libong Pilipinong dumalo sa anti-corruption protests sa iba't ibang bahagi ng bansa nitong Linggo, Setyembre 21.
Matatandaang umani ng atensyon sa social media ang beauty queen kamakailan dahil sa pagpahayag ng kanyang saloobin tungkol sa mga maanumalyang flood control projects sa gobyerno.
Sinigurado niyang magpakita ng suporta sa mga kapwa-Pilipinong nagnanais ng pagbabago -- maliban sa pagsali sa rally sa Luneta, nagbigay din siya ng speech kung saan ipinaalala niya na ang buwis ay para sa bayan, at hindi sa bulsa ng iilan.
Marami ang naantig sa kanyang pahayag -- umani ng halos isang milyong views at mahigit 32,000 likes ang kanyang video sa Facebook sa loob lamang ng isang araw.
"Bawat buwis ay dugo't pawis ng mamamayang Pilipino. Hindi tamang ginagamit ang pondo para sa pansariling interes o para sa mga kani-kanilang negosyo," ani Barcoma.
"Ang buwis ng bayan ay para sa bayan. Ang buwis ng bayan ay para sa edukasyon, kalusugan, at pangangalaga sa kalikasan. Kaya ang atin pong panawagan, panagutin lahat ng kurakot, linisin ang gobyerno," dagdag niya.
"Hindi ho tama na tayo ang nagdurusa habang sila ang nagpapakasasa... Kayo po ang pagbabago. Tayo po ang gagawa ng gobyernong maka-kalikasan, makatao, maka-Diyos, at maka-bansa."
Bilang isang environmental advocate, sinigurado ni Barcoma na maglinis ng kapaligiran matapos ang protesta.
Hinikayat din niya ang mga kapwa-rallyista na tumulong sa pagtapon ng basura at iba pang kalat.
"Paglilinis pagkatapos ng pakikibaka," aniya.
At hindi pa rito natapos ang kanyang araw -- dumalo rin sa protesta sa People Power Monument sa Quezon City ang Miss Philippines Earth titleholder pagkatapos ng rally sa Luneta.
Paalala niya sa kanyang mga followers sa Facebook: "Hindi tayo ang dapat matakot sa gobyerno. Gobyerno ang dapat matakot sa mga Pilipino."
Nitong Setyembre, marami ang nabilib kay Barcoma matapos niyang sagutin ang isang netizen na nagsabing mag-focus na lang siya sa kanyang training para sa Miss Earth sa halip na magsalita tungkol sa mga isyung kinakaharap ng bayan.
Aniya, mas importante ang kapakanan ng mga Pilipino kaysa sa kanyang pageant title. Nagpasalamat din siya sa Miss Philippines Earth organization sa pagsuporta sa kanyang mga pahayag.